Para sa mga Ina
Tanging Ina Ka
Hindi maitatanggi sa isang tahanan ang kahalagahan ng isang Ilaw. Ilaw na
nagbibigay liwanag sa isang pamilya. Ang liwanag na ito'y naitatangi sa iba't ibang
pangalan; nanay, ina, mommy, mamu, mama at para sa iba, tatay. Ang mga ina ay isa sa
mga pinakamahalaga ngunit pinakanakakaligtaan na sektor hindi lamang sa Pilipinas kundi
maging sa buong mundo. Ang mga ina ang nagdadala ng sanggol sa kanilang sinapupunan
sa loob ng siyam na buwan. Sa tingin ng nakararami ay madali lamang ang kanilang
pinagdaraanan. Lingid sa kanilang kaalaman ang labis na hirap na kanilang pinagdaraanan
mula sa pagiging mahihiluhin, sensitibo sa amoy, iyakin, hanggang sa pagsakit ng binti at
balakang sa bigat ng sanggol. Sila ay kalimitang minamaliit bilang tamad at walang silbi.
Habang si mister ay nagtatrabaho sa labas ng bahay, ikaw naman ay naiiwan sa loob ng
bahay. "Wala ka man lang nalinis sa bahay, anong ginagawa mo maghapon?", "Wala ka
namang trabaho.", "Ang pangit pangit mo, mukha kang tinamaan ng kidlat", "Para kang
baka!", " Tigilan mo na iyang pagpapadede mo. Ang payat ng anak mo walang sustansy
yang gatas mo!" Ilan lamang iyan sa mga masasakit na katagang kadalasang naririnig ng
isang bagong ina. Ito ang estado ng mga ina sa lupunan. Ang mga tatay, makapagbigay
lamang ng pangkain kahit mambabae, basta't sa pamilya umuwi, mabuting ama parin. Pero
ang nanay? Madungis lamang ang anak, nakakuha ng mababang marka sa eskwela, di
mapatahan ang anak, masamang ina na. Ito ay isang halimbawa ng pagkumpara sa estado
ng mga ina.
Sa trabaho at pag-aaral, kapag ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya,
makakatanggap ka ng mga gantimpala ng “best in”. Sa pagiging ina, tila laging “worst mom
award” ang binibigay ng ibang tao kahit anong sikap mo. Paano nga ba? Ano ba ang
indikasyon para masabi na mabuti kang ina? Payo dito, payo doon, lahat ng ito ay maaaring
sundin ngunit hindi palaging tama para sa iyong anak. Walang tama o mali sa pagpapalaki
ng anak. Lagi mong isipin na ang pagiging ina ay naibabaluktot. Walang isang direktang
paraan tungo sa ibang “best mom”. Paano na lamang kung wala ang mga ina? Wala nang
magluluto para sa inyong pamilya, gigising ng madaling araw upang pagatasin ang bata,
maglalaba, at iba pa. Ang buhay ay mas magiging mahirap kung wala tayong ina. Kung
mahirap na ang magtrabaho ng maghapon sa labas, paano pa kaya ang mga ina na walang
vacation leave o sick leave na maaaring kunin dahil para sa mga ina, may mga anak
nangangailangan ng kanilang tugon sa lahat ng panahon. Ang pamilya ang
pinakamahalagang biyaya na maaari tayong magkaroon. Dapat nating pahalagahan ang
parte ng bawat isa.
Kailangan lamang maiba ang ating perspektibo upang makita natin ang kahalagahan
ng mga ina. Kung ganito ang mentalidad ng mga tao, tataas ng kumpyansa ng isang
pamilya sa pagpapalaki ng isang anak. Mababawasan ang patriarka sa pamilya sapagkat
mababatid natin na pantay lamang ang tungkulin ng isang ina at ama. Mas nanaisin ng mga
ama o iba pang parte ng pamilya na maging parte ng pagpapalaki ng isang bata.
Mapapalitan ang mga pangungutya at ito’y mapapalitan ng pag-aaruga at pagpapahalaga sa
mga ina. Ina, iyong tandaan na hindi ka nag-iisa. Isa kang mabuting ina.
Comments
Post a Comment